Ikatlong taon ko na sa pag-aaral ng pilosopiya. Habang naghihintay na matapos ang klase ng pinsan kong si Pedro ay pinili kong mamalagi sa plaza upang magbasa.
“Nasa Casa ang kababata nating si Juli. Nakita ko sila at inimbitahan ako sa salu-salo sa kanilang tahanan. Isama raw kita.” bungad ni Pedro kahit na hawak niya pa ang puso sa labis na hingal buhat ng kanyang pagtakbo.
Agad akong umiling. Marami pa akong kailangan tapusin sa aking pag-aaral. Habang naglalakad kami pauwi ay ilang dahilan na ang kanyang nasabi para mapapayag ako. Hindi ako nagpatinag. Hindi ko na rin maalala ang pagiging malapit namin ni Juli sa isat-isa. Wala pa kaming kamuwang-muwang noon.
“Naroon si Ekang.”
Napatigil ako sa paglakad at hindi maalis ang ngisi. “Kung doon mo sinimulan ang pag-aya sa akin edi sana’y kanina pa sana tayo naglalakad patungo sa bahay nina Juli.”
Agad na hinanap ng mata ko si Ekang sa dagat ng mga tao. Kung niloloko lang ako ni Pedro ay talagang uuwi ako. Puro mga matatanda ang mga nakikita ko. Ang ilan sa bisita ay nakapalitan ko na ng sulat noon kung saan sila nagpahayag ng kanilang pagmamahal sa akin.
“Nasa pasilyo si Ekang.” ani Pedro.
Sinundan ng aking mata ang hintuturo ni Pedro. Doon ko nakita si Ekang. Hinagilap ko ang naihanda ko ng sulat para sa kanya.
“Juli, maligayang kaarawan,” rinig kong pagbati ni Pedro.
“Salamat, Pedro.”
Saglit akong nag-angat ng tingin para bumati. Sa pag-angat ng aking mga mata ay tila lumiwanag ang paligid gawa ng natatanging ganda ng dilag sa aking harapan.
“Pagbati.” aniya.
Naaalala ko ang payat niyang katawan noong bata pa siya. Madalas siyang madapa dahil masyado siyang magaan. Bungi pa ang unahan ng kanyang ngipin noon. Iba sa babaeng nasa aking alaala ang nakikita ko ngayon. Ang kanyang magagandang mata na kulay abo ay para bang dinadala ako sa katiwasayan. Ang umaalon niyang itim na buhok ay mas lalong nagpapatingkad ng kanyang kagandahan.
“Maligayang kaarawan. Kumusta ka?” Hindi ko maiwasang mamangha na ang kalaro ko noon ay isang napakagandang dalaga na ngayon.
Hindi na namin namalayan ang pagtakbo ng mga kamay ng oras. Ang bawat salitang lumalabas sa bibig ay tila ba musika na aking iniibig.
“Dito ka na ba mamamalagi sa Casa?”
Sinabi niyang magtatagal pa siya sa Intramuros! Palubog na ang araw nang umuwi kami. Panay kantyaw ang natanggap ko sa aking nakababatang pinsan.
“Akala ko ba’y si Ekang ang iyong pakay! Kayo lamang ang magkasama buong araw ni Juli. Paano na si Ekang?”
Mabilis kong pinadaan ang kamay sa aking pang-ibabang labi at hindi mapigilan ang ngisi. Ang puso ko ay tuluyang nahulog. Tila ba kumunoy ay hindi ko na magawang makaahon.
“Wala na akong panahon sa paglalaro, Pedro.”
Nang gabi ring iyon ay iniisip ko kung paano ko ulit siya makakausap. Dalisay man ang aking hangarin ay hindi ako basta lamang makakapunta sa Casa. Minsan ko ng nasaksihan ang paghabol ng taga ng kanyang ama sa manliligaw ng ditse ni Juli.
Binisita ako ng aking nakababatang kapatid na si Remedios isang araw upang kumustahin. Hindi ko akalain na magiging sagot sa aking kahirapang dinadanas ang pagbisitang iyon. Napag-alaman ko na ang kinse anyos kong kapatid ay kaklase ang dalagang aking kinahuhumalingan.
Sinabi niyang siya ang magpapadala ng mga liham na isusulat ko para kay Juli. Dali-dali akong nagpunta sa aking lamesa at ginugol ang gabi sa pagpiga ng aking puso sa bawat salitang binibitawan sa liham.
Alvaro,
Natanggap ko ang iyong sulat na ipinahatid mo kay Remedios. Nagagalak ako na nais mong dugtungan ang naudlot nating pag-uusap sa pamamagitan ng liham. Akala ko ay hindi na tayo muling makakapaghuntangan..
Mabuti naman ako. Gaya mo ay sumagi ka rin sa aking isip at ang iyong mapanuksong ngiti sa tuwing ako’y iyong binibiro. Marami akong naririnig na sabi-sabi tungkol sa’yo rito sa La Concordia na masyadong matamis ang iyong mga salita.
Pasensya na at hindi ko napag-isipang mabuti ang sasabihin sa liham na ito dulot ng pagmamadali. Sinusulat ko ito sa klase dahil sa nasasabik akong makatanggap ng sulat mula sa’yo.
Aasahan ko ang iyong pagtugon sa Lunes.
Hanggang dito na lang,
Juli
Nang Sabado ay napilitan kaming umuwi ni Remedios sa Laguna. Ibinalitang nagkasakit ang nanay. Kinailangan ko ring bumalik ng Lunes kaya nagpasya si Remedios na magpaiwan at lumiban na lang sa klase. Isang buwan nawala si Remedios kaya ganoon ding natigil ang sulat ko para kay Juli.
Inabala ko ang sarili sa pagsulat ng tula at pagbabasa. Nitong nakaraan ay naaaliw akong basahin ang mga nobelang, The Count of Monte Cristo at Three Musketeers. Iniidolo ko ang mga bida rito dahil sa buong istorya ay lumalaban sila para sa hustisya. Matapos kong pangalawang beses na mabasa ang Monte Cristo ay hindi mawaglit sa isip ko si Juli. Nagpasya akong magsulat sa kanya.
Lihim na ginugunita ng ilan kong mga kaklase ang pagkamatay ng tatlong Pilipinong pari. Hindi malinaw sa aking alaala ang nangyaring pagpugot sa mga pari dahil anim na taong gulang pa lamang ako noon ngunit ang matinding takot sa puso ng lahat ng Pilipinong nakakaalam no’n ay nagtagal hanggang sa kasalukuyan. Ginarote ang mga pari dahil umano sa sila ang nagpasimula ng ilang pag-aaklas sa Cavite laban sa simbahan. Hindi ako magtataka kung totoo ang paratang na iyon sa mga pari ngunit hindi lang naman sila ang nag-iisang gumigising sa mamamayan. Maliit at tago ngunit marami na ang nagpaplano ng kanilang pag-aaklas. Anila’y sumusobra na ang mga Kastila.
Hindi ko iyon maintindihan. Minsan naiisip ko na pagmamalabis lamang ang kanilang sinasabi. Maayos ang negosyo ng aking pamilya at mabait ang pakikitungo sa amin ng mga kilalang prayle kaya bakit dapat akong magalit sa mga ito?
Huling linggo ng Pebrero ay bumalik si Remedios. Ngunit sa linggong iyon ay sinabi niyang walang sulat galing kay Juli. Sumunod na linggo pa niya pinaabot ang liham.
Marso 7, 1887
Intramuros, Manila
Alvaro,
Ilang araw kong pinag-isipan ang tamang itutugon sa huli mong liham. Ayokong maniwala sa sabi-sabi na ang bawat titik sa iyong mga liham ay nagpatangis sa mga babaeng nabihag mo ang puso. Unti-unti kitang nakikilala sa mga kwento ng mga babaeng iniwan mong sawi at umaasa.
Napapawi ang kagandahan, Alvaro. Hangad ko sa aking katipan ay wagas at totoo, iyong mayayakap ko at hindi nalilimita ng kanyang mata ang kanyang pagkahulog. Tao ako. Ayokong tingalain mo ako na para bang ako’y nasa ibabaw ng mga ulap. O di kaya’y poon na iyong sinasamba.
Kung hindi ito ang iyong pakay ay humihingi ako ng dispensa sa pangunguna sa tunay mong hangarin.
Hanggang dito na lang,
Juli
Mabilis akong sumulat kay Juli nang ihatid iyon ni Remedios. Sabik na makausap siya. Kinabukasan ay agad ko iyong idinaan kay Remedios bago pumasok sa Santo Tomas. Pinunit niya sa harap ko ang sulat na ginawa ko. Nakailang palitan kami ng masasakit na salita dahil sa ginawa niya.
“Kaibigan ko si Juli, Kuya. Kung hindi tapat ang pag-ibig mo para sa kanya ay hindi ko na iyan ipapadala.”
Ibigin ko mang magalit sa bunsong kapatid ay hindi ko magawa. Siya lang ang pwedeng mag-abot ng mga sulat ko para kay Juli. Sa buong linggo ay araw-araw kong tinutungo ang kapatid ko para ipaabot ang sulat ngunit pinupunit niya lang ito. Sumunod na linggo ay sinadya ko na ang kapatid sa kanyang unibersidad. Sa pagkakatanaw ko kay Remedios ay siya ring paglitaw ni Juli sa kanyang tabi. Buwan ang nakalipas nang huli ko siyang makita, ang inosente niyang mata ay nakatuon sa akin na para bang may ipinahihiwatig. Mabagal ang bawat hakbang niya simula nang makita niya ako. Ang buhok niya ay nabawasan ng haba ngunit mas lalo niyang ikinaganda iyon.
“Alvaro!”
Narinig kong pagsasatinig ng ilang kababaihan. Nang igawi ko ang tingin sa kanila ay hindi magkamayaw ang tili at tulakan ng mga ito. Saglit na nawaglit sa aking mata si Juli kaya nang muling hanapin ito ay tanging likod na lamang ang tanaw sa kanyang paglayo. Nasa harap ko ang kapatid.
“Kung talagang dalisay ang hangarin mo sa aking kaibigan ay personal mo siyang kausapin. May handaan na gaganapin sa Casa sa Sabado.”
Imbitado kaming mag-anak sa Casa ng mga dela Cruz. Hindi ako makakuha ng tiyempo para kausapin si Juli dahil sa aming pamilya. Nang buksan ang kanilang ikalawang palapag sa sayawan ay puro kantyaw mula kay Pedro ang naririnig ko.
“Nariyan si Ekang. Sino ang aayain mo? Nariyan din ang dati mong katipang si Oryang.”
Hindi nakatutulong ang mata ng mga dalaga na nakamasid sa bawat galaw ko na tila ba inaabangan nila kung sino ang ayaain kong sumayaw ngunit nakatuon lamang ang aking mata kay Juli. Kulay abo ang kanyang saya na siyang nangingibabaw sa mga kababaihan, idagdag mo pa ang natural niyang ganda.
Magkatabi ang pamilya namin. “Kung si Alvaro ang makatipan ng aking mga dalaga ay mamamatay akong mapayapa. Matipuno, makisig, at may sinabi sa buhay. Hindi iyong trabahador sa bukid!” Pasaring ng padre de pamilya ng mga dela Cruz. Agad nag-iwas ng tingin ang ditse ni Juli.
Siniko ng aking ama ang aking tagiliran. “Imbitahan mong sumayaw ang isa sa anak ni Kumpadre.”
Iyon marahil ang utos na maluwag sa loob kong paunlakan. Inayos ko ang suot na magarang barong at nagtungo sa harap ni Juli. Inilahad ko ang aking kamay sa kanyang harap. “Pwede ba kitang maisayaw?”
“Ang daming dalaga ang natatangi ang ganda sa handaang ito. Sigurado akong pauunlakan nila ang iyong alok.”
“Sa’yo lang ako nakatingin, Juli. Kung hindi mo pahihintulutan ang alok ko, sana’y pahintulutan mo akong makausap ka.”
Tinanggap niya ang kamay ko. “Seryoso ako sa aking sinabi sa sulat, Alvaro.”
“Ilang ulit akong sumubok na sumulat sa’yo ngunit pinupunit ni Remedios iyon,” Itinapat ko ang aking labi sa kanyang tainga upang siya lang ang makarinig ng aking sasabihin. “Mahal kita, Juli.”
“Ilang buwan pa lamang buhat ng muli tayong magkita, Alvaro. Paano ka nakakasiguro sa iyong nararamdaman para sa akin? Hindi kaya’y tama ang sinasabi ng ilan na ika’y nahuhumaling lamang sa aking panlabas na anyo?”
“Huwag kang maniwala sa sabi-sabi, Juli. Tingnan mo aking mga mata.” Hinanap ko ang kanyang mata at tiningnan siya ng puno ng katapatan.
“Natatakot ako, Alvaro. Paano kung ang pagtingin mo sa akin ay panandalian lamang?”
“Handa kitang pakasalan, Juli. Sigurado akong alam ng mga dalagang nagsasabi sayo na kahit kailanman ay hindi ako nag-aalok ng kasal sa kahit sino. Sa’yo lamang, Juli.” Nangingilid ang luha sa kanyang mata. “Hindi ko mapatutunayan ang aking pakay sayo ng purong salita lamang. Panahon lamang ang makapagpapatunay no’n.”
Ang kanyang pagtango ay tahimik na kumpirmasyon ng kanyang pag-ibig para sa akin. Masayang kong tatanggapin iyon.
Kay hirap na pilitin ang tadhana na makiayon sa aking kagustuhan. Ang kura-paroko ay nag-alok sa aking ama na pag-aralin ako sa Madrid. Hindi iyon tinanggihan ng aking ama. Ang kura ang nag-ayos ng aking biyahe. Masyadong mabilis na nangyari ang lahat. Dalawang araw mula ng araw na iyon ay aalis na agad ako.
Nagpasya akong mag-iwan ng sulat kay Remedios at ipinapangako ko sa kanyang iaabot niya lang ito kapag nakaalis na ako. Kahit na nag-aalab ang galit ni Remedios sa aking pag-alis ay alam niyang wala akong magagawa. Wala sa pagpipilian ang pagtanggi.
Nang makarating ako sa sinabing tutuluyan ay mayroong nakatira roon. Hindi naging mahirap sa akin ang pakikipag-usap dahil marunong akong magsalita ng Espanyol at Ingles. Dalawang araw akong nanatili sa lansangan. Nauupo lamang sa mga eskinita para magpahinga sa gabi. Masakit ang likod ko dahil nakaupo akong matulog. Alas tres ng madaling araw ay mayroong humabol sa akin sa hindi ko malamang kadahilanan. Hindi ko alam kung saan tutungo.
Sinubukan kong maghanap ng tirahan na malapit sa unibersidad ngunit bigo ako. Sa ikatlong araw ay nakahanap ako ng maliit na kwarto na kakasya sa baon kong pera. Malayo sa unibersidad ang nahanap ko ngunit maigi na rin iyon kaysa wala.
Halong galit at pagod ang dumadaloy sa aking sistema. Akala ko’y sagot na ng kura-paroko ang lahat ngunit bakit ganito? Nang maisaayos ko ang dalang gamit ay sumulat ako para sa aking pamilya at para kay Juli. Nangungulila na ako sa kanyang boses, ngiti, at mga sulat na nakapagpapanatag sa akin.
Makailang beses ko na ring binasa ang Count of Monte Cristo. Limitado lamang ang mga nadala kong libro rito. Hindi pa nagsisimula ang pasok kaya marami akong oras na maisip si Juli. Matagal ang dating ng sulat sa Pilipinas. Hindi katulad noon na mabilis lang naipadadala ni Remedios ang sulat ko kay Juli.
Bilang ko ang mga araw na dapat ay darating na ang liham ni Juli ngunit walang dumating. Ilang araw pa akong naghintay. Nang dumating ang liham ng aking pamilya ay doon ko naramdamang hindi tumugon si Juli. Itinanong ko iyon sa aking pamilya sa pagsulat ko sa kanila. Kasabay ng pagpapadala ng liham sa pamilya ay sumulat pa rin ako ng para kay Juli.
Madalas akong lumabas para kumain dahil hindi naman ako marunong sa kusina. Doon ay marami akong nakikilalang mga tao. Mahilig sa pakikipag-usap ang mga Espanyol. Hindi nila matunugan sa aking paraan ng pagsasalita at itsura ang pagiging Pilipino ko. Ilang kaibigan na nakilala ko rito ang naniniwalang Kastila ako.
Nagsimula na ang klase. Muling dumating ang sulat na galing sa aking pamilya ngunit wala galing kay Juli. Sinabi ni Remedios na natatanggap ni Juli ang sulat ngunit galit pa rin siya sa aking naging desisyon.
Marami akong ginagawa na kailangan para sa isang kurso na aking inaaral kaya hindi ko magawang maisingit ang pagtugon sa natanggap na sulat. Sa isang kurso naman ay pinagagawa kami ng isang tula na nagsasalarawan ng aming bayan na sinilangan.
Nang maipasa ko ang lahat na iyon at magkaoras ay sinimulan ko ang pagsusulat kay Juli. Paano ko mareresolba ang una naming pagtatampuhan gayong nasa malayo ako? Paano ko siya mapapanatag?
Kasabay kong maglakad pauwi ang ilan sa mga kaklase. Naghiwalay lang kami dahil iba ang aking dormitoryo. Habang naglalakad mag-isa ay napansin ko ang isang lalaki sa kabilang parte ng kalsada na tumitingin sa akin. Binilisan ko ang paglakad. Lumiko ako sa madalas kong daanan na eskinita. Nang lingunin ko ang aking likuran ay naroon ang lalaki. Umakyat ang matinding kaba sa aking dibdib. Kumaripas ako ng takbo. Bago pa ako makaliko ay nakaramdam ako ng matinding pwersa at lumagatik ang aking buto sa likod.
“Bakit mo ko hinahabol?”
“Bakit ka tumatakbo?” Hinahabol niya rin ang kanyang hininga. Nakadapa ako sa lupa at inabot niya ang isang kamay. “Kaklase mo ako sa pilosopiya. Nabasa ko ang akda mo tungkol sa’yong bayang sinilangan. Hindi ko akalain na Pilipino ka.”
“Para doon? Tinadyakan mo ako?” Tinampal ko lang ang alok niyang palad.
“Nabasa mo na ba ang libro ni Jose Rizal?”
“Sino ‘yon?”
“Pareho kayong taga-Laguna! Hindi mo kilala?”
Nabanggit ko nga sa aking naisulat na taga-Laguna ako. Paano niya nabasa ang akda ko kung sa propesor ko lang iyon ibinigay?
“Kilala siya sa Pilipinas bilang Jose Mercado.”
Doon ay naaalala ko kung sino ang kanyang tinutukoy. Kilala ko ang kanyang pamilya ngunit magkaibang bayan kami. Bali-balita nga ang pag-aaral ng isa sa anak ni Francisco Mercado sa Espanya.
Mayroong binatong libro ito. “Basahin mo. Balikan mo ako sa klase kapag tapos mo ng basahin.” Tumalikod siya paalis.
“Ano ang iyong pangalan?”
“Marco.”
Ang nagpapagising na lamang sa akin ay ang pag-asang tutugon si Juli sa aking liham. Nasa sulok lang ng aking lamesa ang ibinigay na libro ni Marco. Wala namang mawawala kung babasahin ko ang akda ng aking kababayan.
Ang una kong naisip matapos mabasa ang Noli Me Tangere? Bulag ako sa mga bagay na hindi ko nararanasan. Malapit ang aming pamilya sa kada kura-paroko ng aming bayan. Ang mabasa ang ganitong akda ay kahindik-hindik. Nanginig ang aking katawan sa takot at matinding galit kung ang sinulat na ito ni Jose Rizal ay batay sa totoong nangyayari.
Mayroong parte sa akin ang iniidolo si Jose Rizal dahil sa kanyang adhika. Sinasalamin ng kanyang akda ang hirap na dinaranas ng bawat Pilipino sa mga prayle. Alam ko at nakasanayan ko na rin ang matawag na Indio ngunit hindi ko kailanman naiisip na ganito na ang nangyayari sa aking bayan. Kailangan ko ng kumilos.
Si Marco agad ang una kong hinanap matapos mabasa ang Noli. Dinala niya ako sa isang dormitoryo. Nang makapasok kami ay mayroon pang dalawang taong naroon. Isang binatilyo na palagay ko’y nasa edad lang namin at isang matandang Donya.
“Sino ‘yan, Marisse?”
Nagtaka ako kung sino ang kinakausap ng isang lalaki na naroon sa dormitoryo. Inalis ni Marco ang kanyang sumbrero at lumaylay ang kanyang mahaba at umaalong buhok.
“Siya ang nagsulat ng pinabasa ko sa inyo.”
“Babae ka?”
Hindi pinapayagan na matanggap sa unibersidad ang kababaihan. Ang magawa niyang makalusot at magpanggap bilang lalaki ay nakamamangha.
“Bakit? Sasabihin mo sa propesor?”
“Ano naman ang makukuha ko sa pagsasabi?” Tamad kong tanong. Wala akong mapapala sa pagsasabi.
“Magaling siyang gumamit ng kanyang panitik ngunit hindi natin magagamit ang baluktot niyang pag-iisip.” Tugon ng lalaki.
“Kaya ko pinabasa sa kanya ang Noli.” depensa ni Marco.
“Sapat na ba iyon upang maging pareho ang ating hangarin? Nabuhay siya na hindi nakaranas ng paghihirap.” dagdag pa niya.
“Mawalang galang, hindi ko maintindihan ang dahilan ng ating pagpupulong ngunit ang inyong bahala ukol sa aking paniniwala ay sasagutin ko. Gusto kong lumaban.” Hindi ko alam kung taos sa aking puso ang aking sinabi ngunit iyon ang naiisip ko matapos kong mabasa ang libro ni Jose Rizal. Gusto kong maging katulad niya na nagagamit ang pagiging manunulat sa paglaban.
Nagpalitan ng tingin ang tatlo. Ang binatilyo ay hindi kumbinsido ngunit si Marisse at ang donya ay tumango. “Ito na ang pagkakataon nating maihayag ang dapat malaman ng inang bayan. Kailangan malaman ng espanya ang karumal dumal na ginagawa ng mga prayle sa ating bansa. Pare-pareho tayong hindi magaling sa salitang Espanyol at lalo na sa salitang Ingles. Siya lang ang tanging magiging pag-asa natin, Tonyo.”
Napabuntong hininga na lamang siya, nag-iwas ng kanyang tingin, at hindi tumugon. Ngumiti ang dalawa at nagbigay ng kanilang pagbati.
Sa ilang linggong kasama ko sila ay nakikilala ko kung saan sila nanggaling. Si Teodora Garcia y Rivero ay nakapangasawa ng espanyol ngunit namatay ito sa sakit na tuberculosis. Nag-iisang anak niya si Marisse na kilala ko bilang Marco. Ang isang kasama nila ay si Antonio Guerrero, isa siyang magsasaka sa lupa ng napangasawang Kastila ng donya.
Sa unang buwan namin ay magbibigay sila ng paksa na dapat kong isulat. Hindi naging madali iyon para sa akin. Tungkol iyon sa politika sa Pilipinas na madalas kong hindi pagtuunan ng pansin nang nasa Santo Tomas pa ako. Hindi ko makita ang interes ko para roon dahil wala namang epekto sa akin iyon. Pinagtutuunan ko lang ng pansin kung paano mabubuhay at mairaos ang aking araw.
Ako ang bahala sa pagwawasto ng aking isinulat. Tanging komento lang sa nilalaman ang kaya nilang ibigay. Hindi nila nakikita sa aking gawa ang nais nilang iparating.
Isang araw, nasa bukana ako ng pinto nang marinig ko silang nag-uusap tungkol sa akin.
“Sinabi ko sa inyo na sinasayang lang natin ang ating oras kay Alvaro.” Wika ni Tonyo. “Aanhin natin ang galing niya sa kanyang salita kung ang paniniwala niya’y baluktot. Hindi niya naranasan ang hirap at makikita mo iyon sa kanyang akda. Walang emosyon, walang kwenta!”
Bumukas ang pinto at nagkatinginan kami ni Tonyo na siyang papalabas ng silid. Hindi ko pinutol ang titig sa kanya. Kung masama ang kanyang tingin ay ganoon din ako. Anong karapatan niyang sabihing walang kwenta ang aking akda? Pinaghirapan ko iyon. Hindi ako nag-atubiling lapatan ng suntok ang pagmumukha ni Tonyo. Simula nang dumating ako rito ay wala na siyang modo.
“Kung may problema ka sa akin ay sabihin mo sa harap ko.”
“Alvaro!” rinig kong iyak ng dalawang babae sa loob.
Hawak ang kanyang dumudugong ilong ay humalakhak siya. “Walang kwenta ang gawa mo, Alvaro! Ayos na?” Itinulak niya ako saka siya umalis.
“Susundan ko si Tonyo. Marisse, ikaw na ang bahala kay Alvaro.”
Naupo lamang ako sa isang sulok habang pinapababa ang init ng ulo. Kumuha si Marisse ng upuan at nilagay sa harapan ko. Naupo siya roon. Narinig ko ang malalim niyang buntong-hininga.
“Alam mo ba kung bakit ikaw ang pinili ko sa dami ng Pilipino sa unibersidad?” tanong niya na agad kong inilingan. “Hindi mo sinasabi sa mga kaibigan mong Kastila na iyong nationalidad ngunit hindi mo ito itinanggi.”
“Anong ibig mong iparating?”
“Doon ko naramdaman na iisa ang ating adhika. Hindi mo iniisip na iba ka sa kanila dahil gusto mong maging kolonya tayo ng Espanya na nakakatanggap ng pantay na trato. Iyon din ang aming hangad, Alvaro. Ang kilalanin tayong kolonya ng Espanya at representasyon sa Cortes.”
“Tama si Tonyo. Bulag ako sa paghihirap ng ating kababayan.”
“Hindi na ngayon, Alvaro. Buksan mo lang ang iyong puso at diligan ang galit na nananahan sa iyong puso matapos mong mabasa ang Noli. Narating na ng Noli ang Pilipinas at sigurado akong maraming magigising na Pilipino tulad mo. Nagsisimula na ang laban, Alvaro. Kailangan nating manalo para sa ating sarili at kinabukasan ng ating bayan.”
Tila panata sa akin ang mga salita ni Marisse. Para sa bayan ang aking ginagawa. Nakasasabik na pakinggan iyon. Nakakagana.
Walang impormasyon na mababasa sa silid aklatan ang tungkol sa pulitika sa Pilipinas ngunit nandyan naman sina Donya Teodora upang ipaalam sa akin iyon. May maganda ring naidudulot para sa akin ang pagdayo ko sa aklatan. Naihahalintulad ko ang politika rito sa Espanya at ang sa Pilipinas. Hindi ako makapaniwalang sadyang makapangyarihan ang salita ng mga prayle sa Pilipinas kaysa sa sarili nitong mga opisyal.
Ang malalim kong pagsasaliksik at pagkukumpara sa dalawang bansa ay nagbunga dahil aprobado ni Tonyo ang aking huling akda. Agad na inasikaso ni Donya Teodora ang paglilimbag nito. Maimpluwensya ang pamilya ng kanyang namayapang asawa at may mga kilalang opisyal.
Napalundag ang aking puso nang makita ang sulat na galing kay Juli. Dali-dali kong pinunit ang sobre at binasa iyon kahit na nasa ibaba pa lamang ako ng aking dormitoryo. Naupo ako sa hagdan.
Juliana dela Cruz
Intramuros, Manila
Setyembre 2, 1887
Mahal kong Alvaro,
Hindi ko ibig na hindi tumugon sa iyong mga liham ngunit labis ang aking pighati nang malaman ang iyong paglisan. Bakit hindi mo ipinagtapat ang iyong pag-alis? Ganoon ba kababaw ang pagtingin mo sa aking pag-ibig na hindi kakayanin ang katotohanang ika’y aalis?
Wari ko’y lumisan din ang iyong puso. Panghahawakan ko ang bawat salita sa iyong liham. Sa iyong pagbabalik ay hayaan mo akong manguna sa pagyakap sa’yo. Baon mo ang aking puso. Ang iyong mga liham na lang ang nagbibigay kulay sa aking araw-araw.
Nais kong malaman ang buhay mo dyan sa susunod mong liham. Handa akong magbasa ng ilang pahina ng sa gayon ay maramdaman kong kasama pa rin kita.
Nagmamahal,
Juli
Agad akong pumanhik upang maibahagi kay Juli ang bawat detalye ng aking pakikibaka rito. Mabilis pa rin ang tibok ng aking puso at minu-minuto kong iniisip ang kanyang mukha. Tunay nga na nangungulila ako sa kanya. Hindi ko maipaliwanag ang nadarama ko simula nang una ko siyang makita noon. Ang inaakala kong mababaw ay unti-unting lumalalim. Ngayon ay hindi na ako makakaahon.
Naging madalas na ang pagpapalitan namin ng liham sa isa’t isa. Sa tuwing naiisip kong sulatan siya ay aking ginagawa kahit hindi ko natatanggap ang sagot niya sa aking huling liham. Buwan ang lumipas. Magdadalawang taon na ako sa Madrid. Nakasulat na rin ako ng nasa sampung akda sa panulat na Kaugmaon ngunit hindi pa rin nadidinig ang kahit isa sa aming mga adhikain.
“Nakausap ko si Graciano nang mapadpad ako sa Barcelona para kitain ang aking kaibigan.” Panimula ni Tonyo. “Nagtatag sila ng kanilang sariling grupo. Katulad ng ating ginagawa ay balak nilang magpetisyon sa gobyerno. Hinikayat nila tayong sumali.”
“Batid mo bang posibleng pinahamak mo ang mga tao rito sa pagsasabi sa iyong kaibigan ng ating ginagawa?” galit kong tanong.
Tumaas din ang tono ni Tonyo at mabigat na hampas sa lamesang nasa harapan nasa gitna namin. “Pawang Pilipino ang aking mga kaibigan at may iisang layunin. Sinasabi mo bang pagtataksilan ng Pilipino ang kanyang sariling bayan?”
“Tama si Alvaro, Tonyo. Walang nakakaalam ng ating ginagawa. Hindi rin pwedeng masangkot ang pangalan ni Donya Teodora sa ganitong gawain. Sa ginawa mo ay maaari mong maipahamak ang aming pangalan at estado.”
“Sinasabi mo iyan, Marisse dahil naiibigan mo na si Alvaro!”
Napakurap-kurap si Marisse sa sinabi ni Tonyo. “Anong ebidensya ang susuporta sa iyong bintang? Batid ko ay wala. Hindi nakahihiyang humingi ng dispensa, Antonio Guerrero!”
“Kabilang sa kanila ang iniidolo ninyong si Jose Rizal.”
Nanlaki ang mata ko sa narinig. Nanahimik naman si Marisse. Siguro ay tulad ko nagdalawang-isip din siya. Mataas ang ere ko pagdating dito sa mayabang na si Tonyo kaya hindi ko mababawi ang sinabi ko.
“Hindi tayo maaaring makiisa sa kanilang petisyon dahil iniingatan natin ang estado sa lipunan ng mga Garcia.” Paninindigan ko sa naunang sinabi, “Maaari tayong magbigay ng aking mga akda upang kanilang mailimbag ngunit hindi tayo makikianib.”
“Dalawang taon na tayong lumalaban ngunit wala pa rin tayong napapala. Maaari tayong tumulong sa kanila.”
Umiling ako. “May sarili akong plano.”
Wala akong plano. May parte lamang sa akin na ayokong manalo kahit isang beses si Tonyo dahil pinatutunayan no’n na mas magaling siya sa akin. Ipinaliwanag ko ang kakaisip na plano sa kanila. Malaki ang papel ng impluwensya ng pamilya Garcia sa naisip kong plano.
Sumunod na buwan ay natapos ko na ang aking pag-aaral. Ibinalita ko iyon kay Juli at tuwang-tuwa siya para sa akin. Itinanong niya rin kung ibig sabihin ba noon ay magbabalik na ako sa Pilipinas. Nakailang ulit ako sa pagsulat dahil nagtatalo ang aking isip na sabihin sa kanya ang planong aking pinamumunuan. Natatakot ako na baka mayroong makabasa. Malapit ang pamilya ko at pamilya dela Cruz sa mga kura ng bayan ng Laguna. Sa huli ay napagpasyahan kong hindi sabihin sa kanya ang aming balak.
Pinaghandaan namin ang pagdiriwang. Imbitado ang pamilya Garcia sa isang pagdiriwang sa Madrid na kasama ang mga kilalang miyembro ng Congreso de los Diputados. Parte ng aming plano ang ipakilala ako sa pinakamaimpluwensyang tao sa Cortes upang doon ako magtrabaho. Nagtagumpay kami ng gabing iyon.
Nagtrabaho ako kay Señor Geraldo Fabela y Santillan. Namatay ang asawa niya noong nakaraang taon at hindi sila nagkaroon ng anak. Kasabay ng aking pagtatrabaho ay nagsusulat pa rin ako sa likod ng panulat na Kaugmaon.
Sinabi ko sa mahal sa buhay na kinuha ako ng isang taga-Cortes para sa trabaho. Gustuhin ko mang umuwi ay hindi ko magawa dahil ang alam lang ni Señor Geraldo ay Espanyol ako at pinsan ko si Marisse Garcia.
Dalawang taon na ang lumipas at narito pa rin ako sa Espanya. Balita sa amin ang pag-alis ni Rizal sa La Solidaridad noong Agosto 1891. Ang sabi ni Tonyo ay balak tapusin ni Rizal ang kanyang libro. Nagawa na rin akong pagkatiwalaan ni Señor Geraldo. Sinumulan ko na ang paghikayat sa kanya dahil dalawang taon na lang siya sa Cortes. Kung hindi ko ito magagawa ay kailangan kong lumipat sa susunod. Hindi ako pwedeng mabigo. Naipangako ko kina Marisse, Donya Teodora, at lalong lalo kay Tonyo na hindi ako mabibigo.
Nauunawaan ni Juli ang aking sitwasyon kahit na nakakaramdam siya ng pangungulila ay nararamdaman kong pinipilit niyang maging masaya. Si Remedios ang nagkukwento sa akin ng bawat pagtangis niya. Parati niyang sinasabi na ang ginagawa ko ay magbibigay ng dangal para sa aming magiging anak. Naaalala ko pa ang mga sulat niya noong siya’y kinse anyos pa lang; bata pa ang isip niya at bukal ang bawat salita ng kanyang batang puso.
Isang sulat ang natanggap ko na yumanig sa akin.
Juliana dela Cruz
Intramuros, Manila
Setyembre 23, 1891
Mahal kong Alvaro,
Naniniwala akong magtatagal ka sa iyong trabaho at nagawa mo iyon!
Ayoko sanang dagdagan ang hirap mo dyan kaya sinisikap kong maging masaya sa bawat liham. Ayokong dagdagan ang pangamba ng iyong puso. Alam mo namang ikaw lang ang nagmamay-ari ng aking puso, Alvaro.
Nitong nakaraang buwan ay bumibisita sa tahanan ang isang mataas na opisyales ng guardia sibil. Ipinagsawalang bahala ko ang balak nilang hingin ang aking kamay. Ngunit nang kumalat ang balita na nakapangasawa ka ng babaeng Kastila ay pinipilit na nila akong ipakasal sa binata. Alam mong pipi ako sa kagustuhan ng aking ama.
Ang pagbabalik mo lamang ang makapagsasalba sa akin, Alvaro.
Nagmamahal,
Juli
Hindi na mapalagay ang aking isip. Agad akong nagpaalam kay Señor Geraldo. Ipinaliwanag ko sa kanya ang tungkol kay Juli. Sinabi kong nakilala ko siya nang bumisita ako sa Pilipinas kasama ang aking tiyuhin. Hindi niya pinagduduhan ang kwento ko at pinayagang umalis sa aking trabaho. Sinabi niyang tatanggapin niya akong muli kahit gaano pa katagal ang aking pagbabalik. Bihira lang daw ang maghabol ang matipunong lalaking gaya ko sa babae at talagang saludo siya sa akin. Ilang pagbabalik tanaw sa kanyang asawa ang ginawa niya nang gabing magpaalam ako.
Inuna kong ayusin ang aking mga bagahe bago magtungo sa dormitoryo kung nasaan sina Marisse. Diretsahan kong sinabi ang pag-atras ko sa aming mga plano. Tinanggap ko ang suntok ni Tonyo.
“Iniisip mo lang ang iyong sarili!” sigaw ni Tonyo at binalibag ang pinto sa kanyang paglabas.
Tumangis si Donya Teodora. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang galit nila sa akin. Ginawa ko naman ang lahat para sa plano. Hindi ito ang makapagpapasaya sa aming dalawa ni Juli. Walang makakapigil sa akin na bumalik sa Pilipinas. Nang hindi sila tumugon ay muli akong humingi ng tawad at saka umalis sa silid.
“Alvaro, sandalli.”
“Pasensya na, Marisse. Hindi magbabago ang aking isip.”
“Plano mo lahat ng ito, Alvaro! Anong karapatan mong umatras?”
“Kaya nga nirekomenda ko si Tonyo para ipagpatuloy ang plano. Hintayin na lamang natin ang libro ni Rizal at ang maapruba ang petisyon ng La Solidaridad. Naisip mo ba, paano kung hindi gawin iyon ni Señor Geraldo. Mulat man siya sa hirap ng mga Pilipino ay Kastila siya! Hindi makikisimpatya iyon sa hindi niya kalahi.”
“At hindi na lang natin susubukan ganoon? Gisingin mo ang iyong sarili, Alvaro. Ilang walang hustisya na pagkamatay ang nangyari sa ating bayan. Ilang kababayan natin ang nagbuwis ng buhay para sa bayan at para sa ating inaadhika? Naawa ka ba sa kanila? Tinatanong kita!” Tinulak niya ako at nanlilisik ang kanyang lumuluhang mata. “Ang mga salita na ating sinusulat ay parang gatilyo ng ating mga kababayan sa Pilipinas kaya marapat lang na sigurado ka sa iyong inadhika. Sigurado ka bang handa kang mamatay para sa bayan? Sa tingin ko ay hindi. Bakit mo ito ginagawa, Alvaro? Gusto mo rin bang maging kilala gaya ni Rizal? Na ang iyong pamamaraan ang nagtagumpay para sa pagbabagong hinahangad ng bayan at hindi ang sa kanya? Mali ako ng pagkakakilala sa’yo.”
“Pasensya na, Marisse.”
Hinawakan ni Marisse ang aking braso. “Nandito na tayo. Malapit na nating mailagtas ang bayan, Alvaro. Ngayon ka pa ba aatras? Ang lahat ng tao ay titingalain ka sa oras na mapalaya mo ang inang bayan sa paghihirap. Nakikiusap ako, Alvaro…para sa bayan.”
Para sa bayan. Titingalain ako ng sambayanang Pilipino. Tama si Marisse. Magagawan ko pa ng solusyon ito sa pamamagitan ng liham.
Pinadalhan ko ng sulat ang aking mga magulang, ang mga magulang ni Juli, at siya. Naglalaman ang bawat sulat na iyon na hindi ako kasal sa kahit na kanino. Kalakip ang dokumento na nagpapatunay no’n. Sinabi kong ipadala ang pinsan kong si Pedro upang patunayan ang aking sinasabi. Sinabi kong bigyan pa ako ng dalawang taon para matapos ang aking trabaho sa Cortes Generales.
Hindi ako nakatanggap ng tugon sa mga magulang ni Juli at maging sa aking mga magulang. Kaya nagpadala muli ako ng sulat kay Juli. Ipinangako kong hihingin ang kanyang kamay, dalawang taon mula ngayon.
Ang mga kwento ko kay Señor Geraldo tungkol kay Juli ay nagpaantig sa kanyang puso. Ilang pagsisinungaling din ang sinabi ko. Ginawa kong melodrama ang buhay ni Juli. Sinabi kong nakulong ang kanyang tatay na siyang kapitan ng lalawigan at muntik na gahasain ng prayle kung hindi ko siya nailigtas.
Sa loob lamang ng walong buwan ay natutupad na ang aking plano. Ang mailahad ang pagiging kolonya ng Pilipinas sa kongreso ay malaking hakbang sa tuluyan na pagkamit ng pagkakapantay-pantay ng mga Pilipino at Espanyol sa Pilipinas. Wala ng matatawag na Indio at wala ng mamamatay na Pilipino dahil sa akin at sa aking plano.
Walang sulat na dumating ngunit dumating ang aking pinsang si Pedro sumunod na buwan. Inaya ko siyang kumain sa madalas na kainan. Mayroon siyang hindi sinasabi sa akin. Sa pagdating niya ay pansin kong iniiwasan niyang gawing paksa si Juli.
Nag-aalinlangan siya ngunit sinabi rin niya ang tinatago. “Alvaro,” Nagkamot siya ng kanyang kokote. Nung una ay minamasdan niya ang bawat kilos ko na agad ding nag-iwas, “Nung nobyembre ay ipinakasal si Juli sa isang Guardia Civil. Mataas na ang ranggo nito kaya hindi nag-atubili ang Don. Pinag-isang dibdib ang dalawa gayong ang hindi mo pag-uwi noong isang taon ay patunay daw na kasal ka.”
Natulala ako sa kanyang sinabi. Kaya hindi sumulat si Juli dahil hindi niya kayang sabihin sa akin. Dalawang taon lang ang hiningi kong palugit. Ipinaliwanag sa akin ni Pedro na hindi kasalanan iyon ni Juli. Wala siyang nagawa kahit tahasan ang kanyang protesta.
“Bakit ba hindi ka umuwi?”
“Para sa bayan, Pedro.”
“Kailan ka ba naging makabayan, Alvaro? Naaalala mo pa ba nung bata tayo ay tinawanan mo lang ang mga katutubo na kinaladkad ng guardia sibil sa bayan? Anong ginagawa mo? Kaisa ka ba ni Jose Rizal? Alam mo bang mainit ang mata ng mga kastila sa kanilang pamilya ngayon dahil siya ay binansagang erehe ng simbahan? Gusto mo bang matulad sa kanya, Alvaro?”
“Hindi ako magiging ganoon.”
Nangibabaw ang galit ko kay Juli at sa lahat ng nakapaligid sa kanya. Hinayaan nilang ipakasal siya sa iba gayong alam nilang tapat ang aking hangarin. Iyon ang nasa isip ko. Hindi man lamang niya pormal na sabihin sa akin ang kanyang pagpapakasal at narinig ko pa kay Pedro. Hindi ako umiyak. Ayoko. Naniniwala ako na maagapan ang lahat kung hinintay lang nila ako.
Hindi ko nakita ang aking sariling pagkukulang dahil bulag ako. Hindi ko akalain na ang mga desisyong iyon ay habambuhay kong pagsisisihan.
Ibinabalita sa akin ni Remedios sa pamamagitan ng mga liham ang lagay ni Juli. Hindi ko maitatanggi sa sarili na ipinagpapasalamat pa rin ang pagsulat ni Remedios. Sinabi niyang buntis si Juli. Ang huling bisita niya rito ay tumatangis siya at kinukumusta ako sa kanya. Tinatanong niya rin kung kailan ang aking pag-uwi. Nalalapit na raw kasi ang ipinangakong dalawang taon. Kahit na imposibleng makasama sa habambuhay ay gusto niya pa rin akong makitang muli.
Nang mabasa ko iyon ay hindi ko mapigilan ang aking mga luha. Ang pangungulila para sa kanya. Doon ko naisip na sana ay tinalikuran ko na lamang ang paglilingkod sa bayan dahil ayoko na. Kapalit ng pagkilala ang pagkawalay ko sa aking puso habambuhay.
Juliana de la Cruz
Canlubang, Laguna
Mahal kong Alvaro,
Kumusta ka? Marahil ay galit ka sa akin dahil sa hindi ko na nagawang hintayin ang iyong pagbabalik ngunit nagkakamali ka. Hindi ibig-sabihin ng aking pagkakatali ay nakatali na rin ang aking puso. Kung naaalala mo ay sinabi kong wala na sa akin ang aking puso buhat ng iyong pag-alis, ipinabaon ko na iyon sa’yo. Mahal kita, Alvaro. Nais kong hintayin ang iyong pagbabalik. Nais kong ako ang unang sasalubong sa’yong pag-uwi. Gusto kitang mahagkan at mayakap. Patawarin mo ako, Alvaro. Hindi ko na mahihintay ang iyong pagbabalik.
Ito ang huling sulat na ipadadala sa’yo. Inaalay ko ang kalakip na larawan sa taong nagbigay sa akin ng buhay. Hindi kita malilimutan, Alvaro. Paalam.
Nagmamahal,
Juli
Hindi ko maintindihan ang nais niyang ipahiwatig sa kanyang sulat ngunit tahip-tahip ang kabang aking nadarama. Dali-dali akong nagpadala ng sulat sa kanya pabalik at maging ang sulat sa aking mga magulang upang kumustahin ang kalagayan ni Juli. Sumunod na buwan ay imbis na sulat ni Juli ang dumating…muling narito ang pinsan kong si Pedro. Unang kita niya palang sa akin ay yumuko siya at umiling. Tumulo ang luha niya. Nanghina ang tuhod ko at napaluhod.
“Nagpakamatay si Juli, Alvaro.” Nanginginig si Pedro habang sinasabi ang balitang yumanig sa aking pagkatao. “Natagpuang nakalambitin sa bahay nilang mag-asawa. Ayaw ipagsabi ng mga dela Cruz ang tunay na dahilan ngunit kumakalat ang sabi-sabi na ginahasa si Juli ng kura ng ating lalawigan, iyong nagpadala sa’yo rito sa Madrid. Hindi ko gustong paniwalaan dahil sadyang karumaldumal ang nangyari ngunit umalis ng Canlubang ang asawa ni Juli at ang bali-balita’y tumaas ang ranggo sa Maynila dahil sa Kura.”
Nanginginig ang aking kalamnan sa matinding galit. Ang aking pakikibaka sa pagkamit ng pantay na trato sa Pilipino ay hindi malinaw para sa akin noon dahil hindi ako kailanman nilamangan at binaboy ng mga hayop na mga tao sa simbahan. Hindi ko mapigilan ang pagtangis. Hindi sapat ang pagkakapantay-pantay ng mga Espanyol at mga Pilipino. Kailangang matapos ang pananamantala ng mga prayle sa aking bayan. Kailangan kong mapatay ang kura na lumapastangan sa aking mahal.
Walang araw na hindi ko pinagsisihan ang hindi ko pag-uwi upang mailigtas si Juli sa kapalarang kanyang sinapit. Kung tinalikuran ko ang lahat ay sana’y hindi magiging ganito ang nangyari sa kanya. Hindi ako yayakapin ng aking bayan sa pagtulog. Hindi ako mamahalin ng aking bayan ng lubos na gaya ng pag-ibig ni Juli sa akin. Bakit hindi siya ang aking pinili? Para sa kasikatan? Putangina.
Ang kapalaran kung magparusa ay sagad. Kinabukasan ay nakarating sa akin ang balitang ipinapatay si Senor Geraldo. Tinulungan ako ni Tonyo na makaalis sa Madrid dahil sa akin ibinibintang ang kanyang pagkamatay at nalaman nilang hindi ako tunay na Kastila. Pinauwi ko na ng Pilipinas si Pedro at hindi sinama sa pagtakas.
Walang buhay ngunit nagpalipat-lipat ako ng lugar. Buwan ang tinagal ko sa Italya at piniling makasal sa mayamang babae roon. Kailangan ko ang kanyang pera upang mapaghiganti ang pagkamatay ni Juli. Patuloy pa rin ang aking pagsusulat ng mga akda sa panibagong panulat na Kinaadman. Isa lang ang aking layon, hindi para sa bayan, para mapatay ang kurang gumahasa kay Juli. Tama si Pedro, hindi ako makabayan.